Literary

Delubyo

Pinikit niya ang kanyang mga mata at nakinig. 

Pagmulat nama’y nagmasid. 



Handa na siya. 

Sakay sa nag-iisang bangka sa gitna ng karagatan

Bitbit lahat ng alaala pati mga litratong

sinilid sa isang malaking baul
Sa gitna ng kanyang bangka. 



Mula sa ‘di kalayuan, 

may namumuong maitim na ulap mula sa silangan.


Kumukulog.

Kumikidlat.

Nagbabadya, tila sinasabing,
”Bumalik ka na sa isla”.



Ngunit tuloy ang pagsagwan, 
baka sakaling hindi maabutan 

ang bangkang kanyang pinagpaguran



Hanggang sa heto na, 

ang bangka’y umaalog-alog

Sumasabay sa hangin

Napapatalon sa alon 

Sumasayaw sa tunog ng kampanang kumakalembang

mula sa bungad ng dalampasigan. 



Palubog na ang araw

Ngunit walang makitang mga bituin sa langit

Nagtatago ang buwan sa kalangitan

Tanging munting sinag lang ang masisilayan

Sapat para maging gabay pabalik sa tahanan



Nagsisipagliparan na ang mga ibon

Nagmamadali 

Pati huni nila’y hindi mo na mawari 

Gustong makalayo

Sa kung ano mang hatid ng mga maitim na ulap na paparating



Kumulog at kumidlat nang muli

Sabay buhos na ang malakas na ulan

Tumaas nang tumaas ang tubig dagat

Pinipilit itulak ang munting bangka 
pabalik sa kanyang pinanggalingan. 

Gaya ng magulo niyang isipan



Ngunit sa bawat pagpatak ng ulan, 

Sabay rin ang pagdaloy ng luha mula sa kanyang mga mata 

Bawat hampas ng hangin ay tila masamang alaalang nagbabalik-balik

Nagdudulot ng takot at sakit

sumasabay rin sa alon ang kabog ng kanyang dibdib



Ilang oras na rin ang nakalipas 

Nagsimulang humupa ang ulan,

Senyales ng paglipas ng sakuna. 



Ngunit sa pagdaan ng delubyo, 

hindi niya maitago 

Ang damdaming litung-lito



Babalik nga ba siya 

Kung saan mananatili sa buhay na nakasanayan

Sa taong patuloy siyang sinasaktan 
ngunit gusto niyang ipaglaban


O magpapakalayo-layo’t magsisimula nga ba ng bagong buhay

Magbabakasakaling makalimutan ang nakaraan? 



Nagmuni-muni siya sa gitna ng gulo, 
sa gitna ng lahat ng ito. 

Dala-dala niya ang pag-asang kahit saan man siya tumungo, 

alam niyang nandoon ang kanyang puso.


0 comments on “Delubyo

Leave a comment