A la una y media na naman. Heto na naman ako. Pinipilit makatulog. Isa, dalawa, tatlo... Hanggang sa naabot na naman ang dalawang libo Mulat pa rin pa rin ang mga mata ko. Napapaisip, "Tama ba'ng narito ako?" "Bakit nakalilito?" "Naguguluhan na talaga ako." Nasa tabi kita- Mahimbing na natutulog, Hawak-hawak ang kamay ko. "Para malaman mo na nandito lang ako," yan... yan ang sinabi mo. Nagalak ang aking puso. Mahal mo naman ako, walang pagdududa. Masaya naman tayo. Ngunit ngayon, bakit may pag-aalala? Normal naman ang may pagtatalo. Normal naman ang minsan may nasasaktan. Normal naman ang minsan may nabibitawang mga salita. Basta't humingi ng tawad at nagkabati, 'di ba dapat okay na? Ngunit ngayon, bakit may iba? Habang ang puso at isip ko'y gulung-gulo, heto ako. Pinagmamasdan ka. Pinakikinggan ang tunog ng iyong bawat paghinga. Inaalala ang mga araw na ubod nang saya. Nasaan na sila? Isang oras? Dalawa? Hindi pa rin ako makatulog. Mulat na mulat pa rin ang aking mga mata. Nag-aalala. Nagdadamdam. Inuulit-ulit ang mga nangyari nang nakaraang araw, nakaraang buwan. Wala namang problema. Wala namang dapat ipag-aalala. Baka nga tama ka. Nag-aalala lang ako nang dahil sa wala. Pinilit kong matulog. Wala. Bakit nahihirapan? Bakit nagdadamdam? Binitawan mo na ang aking kamay. Ngunit sa halip na tumalikod, niyakap mo ako. "Bakit gising ka na? Halika. Matulog ulit tayo." Ganun-ganun na lang, ipinikit ko ang aking mga mata. Pinanatag ng init ng iyong yakap, ang lamig na aking nararamdaman. Hinigpitan mo ang iyong yakap, sabay bulong sa akin, "Mahal kita, alam mo naman iyan 'di ba?" Napangiti na lang at tumango, "Sige, matulog na tayo."
0 comments on “Naguguluhan na naman”