Minsan napapaisip ako, “Paano nga ba malalaman kung oras na para sumuko?”
Halimbawa sa trabaho. Kung isa kang auditor kagaya ko, mataas ang posibilidad na natuto kang uminom ng maraming baso ng kape sa isang gabi dahil hindi mo mabalanse ang trial balance na in-assign sayo ng senior mo. Piso na nga lang di mo pa mahanap? Kaya ayan, todo hanap ka sa lahat ng ebidensiya na binigay ng kliyente mo, makita mo lang anong numero yung mali. Alin kaya sa mga accounts sa trial balance yung may kulang? Hanggang sa umaga na, wala pa rin. Hindi mo pa rin makita. Minsan iiyak ka na lang sa kaloob-looban mo kasi wala yung piso. Minsan nga narinig mo pa sa isang katrabaho, “Piso? Sige babayaran ko na lang!” Pero di mo maalis sa isip mo, bago ka makatulog (o makakatulog nga ba?), bukas pagdating ng senior mo sa opisina, tatanungin ka niya, nabalanse mo ba? Yuyuko ka na lang at sasagot ng “Hindi ko po mahanap yung piso e.”
Uupo ka sa area niyo, mag-iisip, magtatanong sa sarili – saan ka nagkamali. Tapos siguro wala pang isang oras, ayan na. Yung kliyente nagsend ng email. Hihingi ng pasensiya, mali pala yung nasend sayo. Hindi pala yun yung final trial balance. Eto na, isesend na na niya ulit.
Magmumura ka na lang sa utak mo kasi yung ipinuyat mo hanggang alas tres ng umaga, wala palang kahihinatnan. Napuyat ka na, nastress ka pa. Dapat pala sinukuan mo na lang. Pero siyempre hindi! Wala sa bokabularyo mo ‘yon e.
Isa pa ulit halimbawa sa opisina. Todo kayod ka sa trabaho. Sige pasikat sa mga boss mo. Bukod sa OT ka na lagi, bibili ka pa ng kape nila sa umaga. Pag medyo may kaya ka, minsan magpapadala ka pa ng regalo para sa birthday ng anak nila. Pag may bagong proyekto, todo suporta ka naman. Dapat visible. Lahat gagawin mo para mapansin ka. Sasabihan ka ng Good job! Keep it up!
Siyempre sino ba naman ang hindi matutuwa niyan? Iisipin mo, sige baka sakali mapromote ako this year. Magpupuyat ulit. Kung abogado ka o auditor, sige magbi-bill ng oras. Overtime sa weekdays. Overtime sa weekends.
Pagdating ng appraisal period niyo, ayan. Handa ka na. May business case ka pa kasi sabi ng boss mo oo ngayong taon, mapropromote ka na.
Pagkatapos ng deliveration, wala. May mas matagal na raw kasi sa’yo dun. Mas senior. Siya na muna. Hanggang sa limang taon na, umaasa ka pa rin na mapropromote na. Samantalang lahat, nakamove on na.
Ganyan din madalas sa pag-ibig, di ba? Lahat na ng sakripisy, ginawa mo na. Unang beses – sige nagkamali raw. Sige patawarin mo na. Pangalawang beses – kasi nagalit ka rin naman daw e. Kasalanan mo raw. Hanggang sa naulit-ulit na. Nakalimutan mo na nga yong mga dahilan na sinabi niya. Ilang beses na kayong nag-usap, nagkapatawaran. Sige okay ulit. Hanggang sa nakaugalian na. Mag-aaway. Magbabati. Mag-aaway ulit. Magbabati ulit. Paikot-ikot na lang. Pero sa dulo, wala pa rin. Umiiyak ka pa rin.
Sinabi mo sa sarili mo, “Baka sa susunod magbabago na siya. Baka sa susunod uunahin na niya ako. Baka sa susunod, magiging masaya na kami“.
Hanggang sa nasanay ka na lang. Hindi ka na kumikibo, wala ka ng nararamdaman. Tila ba nakalimutan mo na. Tao ka rin. May nararamdaman. Nasasaktan.
Pero ang nakakainis, nasa relasyon ka pa rin. Bakit? Kailan nga ba natin malalaman ang ibig sabihin ng TAMA NA? Hanggang kailan ba natin pwedeng tiisin ang mga nangyayari sa buhay natin?
Minsan naiisip ko rin tong mga tanong na ito sa relasyon ko. Oo masaya naman. Oo nabibigyang pansin naman. Pero bakit may ‘pero’?
Masakit mang aminin, ngunit minsan may halong takot sa sarili natin – takot sa pagbabago, takot sa mga tanong na ‘bakit hindi nagwork out‘. At minsan, takot na rin maging mag-isa, kasi nga naman ang tagal na. Kasi baka wala nang mahanap na iba. Kasi… kasi… kasi… Puro kasi.
Totoo naman yung mga yun. Maraming dahilan kung bakit ayaw natin sumuko. Ngunit ang higit sa lahat, ‘wag natin kalilimutan – mahal natin e. Sa dinami-dami ng dahilan, ‘yan yung minsan pangunahing dahilan. Kahit na anong pagdedeny, mahal natin e. Sa kabila ng lahat-lahat, pag-ibig ang nangingibabaw.
Pero minsan, kailangan pa rin nating itanong sa ating mga sarili – hanggang saan? Hanggang saan ang kaya natin isakripisyo para sa pag-ibig? Hanggang saan ang kayang tiisin? Hanggang saan natin masasabi na, “Tama na“?
Mahirap.
Alam ko ‘yan.
Pinagdadaanan ko rin ‘yan.
Kaya nga napapasulat na lang.
0 comments on “Hanggang Saan?”