Pagpatak ng a las dose noong Enero uno, ang sabi nila ‘2020 will be the best year ever’.
Ngunit, makalipas ang ilang linggo, nagulat ang lahat sa mga balita tungkol sa coronavirus. Maraming namatay. Tumigil ang mundo. Nagmatyag. Ang iba nag-isip ng paraan paano maging handa: Nag-imbak ng pagkain, nagsara ng opisina, pinagbawal ang lumabas ng bahay, pinagbawal din ang makita ang kanya-kanyang pamilya. Lahat ng bansa naghanda.
Unang buwan. Pangalawang buwan. Hanggang sa nasa ika-anim na buwan na tayo ng ng 2020, ngunit ang coronavirus naghahasik pa rin ng lagim. Nakakalungkot. Saan nagkamali? Anong pwedeng gawin?
Sa aking minamahal na bansang Pilipinas, maraming naghirap. May mga kababayan na nawalan ng trabaho, nalugi ang mga negosyo.
Para sa isang tulad kong nakatira sa ibang bansa, nakakalungkot isipin na ang daming nagdurusa sa bansang tinuturing ko pa ring tahanan. Ayoko sanang maging kritikal sa ating pamahalaan. Pero nasaan ang hustisya? May mga opisyal ng gobyerno na umaabuso ng kanilang posisyon. Sa halip na mag-isip kung paano i-ahon ang naghihirap nating bansa, inuuna nila ang kanilang mga sariling kapakanan. Hindi ba dapat tungkulin nyo ang tulungan ang mamamayang Pilipino? Hindi ba’t nagsumpa kayo sa harap ng mga tao at sa harap ng Diyos, na kayo ang magiging ehemplo ng isang mabuting mamamayan? Hindi ba dapat, lalong lalo na sa panahon ngayon, kayo dapat ang nangunguna sa pag-iisip ng paraan para maiahon ang ating bansa at maibsan ang epekto ng coronavirus?
Sa lahat ng nakikita ko sa mga balita, marami pa rin namang mga Pilipino ang gumagawa ng paraan para makatulong sa ating mga kababayan. May mga sikat na artista at mga kumpanyang nagbibigay ng ayuda. May mga pulitiko ring sa kabila ng mga batikos at pagkukutya sa kanila ay patuloy na tumutulong sa mga kababayan nila. At higit sa lahat, may mga simpleng taong kahit na sila rin ay biktima, mas pinili pang tumulong, makiramay at maghatid ng ngiti sa kanilang mga kapitbahay sa anumang paraan na kaya nila.
Sa mga panahong ito ang mga nakikita ko sa mga balita, ako ay nagagalak at napapabulong, ‘baka naman may pag-asa pa’.
Mayo. Nakita ng buong mundo ang pagkakaisa ng mga tao sa pagsigaw ng ”Black Lives Matter!”. Maraming nagbatid ng suporta sa ating mga kapatid na inaapi. Marami ang nakiramay at nakiisa sa pagsulong ng pagbabago. Pagbabago na bigyan ng respeto at pantay-pantay na pagtrato sa lahat, anuman ang kulay ng iyong balat.
Ngunit sa kabila ng sigaw at pagkakaisa ng mga tao sa saan mang lupalop ng mundo, tila ba’y nakakalungkot pa rin ang mga pangyayari. May mga inaaresto. Meron ding mga nasiraan at nawalan ng mga negosyo dahil sa mga riot at bayolenteng protesta. May mga nananakit.
Hindi ba dapat nagkakaisa? Hindi ba natin kayang ayusin ito sa isang malumanay at matiwasay na pag-uusap? Nakakaiyak.
Ang sarap siguro mabuhay sa mundo kung lahat magkakaibigan. Walang nagbabangayan, walang nagkakasakitan. Ang saya sanang mabuhay sa isang perpektong mundo.
May dalawang aral akong natutunan sa unang anim na buwan ng 2020:
Una: buhay pa rin ang bayanihan sa Pilipinas. Marami pa rin ang bukas loob na tumutulong at handang makiramay sa kabila ng sakuna.
Saludo ako sa mga tumutulong sa kahit anong paraan. Mabuhay kayong lahat!
Pangalawa: may pag-asa pa. Oo, totoo, ang dami nating pagsubok na kinakaharap ngayon mapa-Pilipinas man, Amerika, Inglatera o saan mang panig ng mundo. Ngunit sa kabila ng lahat ng nangyayari, ‘wag tayong mawalan ng pag-asa.
Sa lahat ng nangyayari at mangyayari sa taong 2020, sana patuloy tayong ‘wag mawalan ng pag-asa, na balang araw may makita tayong pagbabago.
Hindi man ako nasa kalsada na nagproprotesta o nasa Pilipinas na pisikal na nagbibigay ng ayuda, patuloy akong makikiisa at tutulong sa ano mang paraan na aking kaya.
(At higit sa lahat, 2020, pwede bang maging best year ever ka na?)

0 comments on “Sana may pag-asa pa”